Ang Pagtibag sa Apat na Haligi ng Hustisyang Pangklima

ni Elmer Yuri Arisgado

Sa nakalipas na dalawang dekada, nasaksihan ng mundo ang pinakamapinsala at pinakamalulupit na trahedya sa kasaysayan. Taong 2004,nang maganapap ang mapaminsalangTsunami sa rehiyon ng Timog at Timog-Silangang Asya, na nag-iwan ng libu-libong taong namatay.  Sa taon ding iyon nanalasa ang Hurricane Katrina sa Estados Unidos (pinaka-makapangyarihang bansa sa mundo) na nag-iwan ng daan-daang patay at libu-libong pinsala sa mga ari-arian.

Napaluhod maging ang Japan nang perwisyuhin ng magkakasabay na lindol at tsunami na dumulo sa nuclear meltdown ng Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant – na nakaapekto sa kanilang ekonomiya at kumitil sa maraming mamamayang Hapones. Sa kasalukuyan, tinatayang higit 200 milyong tao ang tinatawag na Climate Refugees o mamamayang napilitang lumikas sa kanilang komunidad dahil sa epekto ng mga natural disasters. Pinakamalaki o 40% dito ay mga mamamayan sa rehiyon ng Asya Pasipiko.

Malaking problema sa maraming bansa ang labis na pagbaba ng produksyon sa agrikultura at pangisdaan na siyang dahilan ng lumulobong bilang ng mamamayang naghihikahos sa pagkagutom at kahirapan.

Sa Pilipinas, higit 7, 000 ang pinaslang ng trahedya sa Ormoc noong 1990 na sinundan ng flash flood at pagguho ng lupa sa Guinsaugon, St. Bernard, Leyte. Higit libo naman ang napaslang sa Real, Infanta, Nakar-Quezon sa kasagsagan ng bagyong Winnie noong 2004. Taong 2009 nang pinadapa ang pusod ng Kamaynilaan at mga karatig probinsya sa Luzon ng bagyong Ondoy, daan-daan din ang patay at higit P52 bilyon ang inutang ng gobyerno para sa rehabilitasyon. Pinakamalaking hambalos sa bansa ang trahedyang dala ng bagyong Yolanda (Pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng mundo) saVisayas noong 2013 na nag-iwan ng higit 6,000 patay, 1,779 nawawala, at bilyun-bilyong pagkawasak ng ari-arian.

Tinatayang mga siyentista na magtutuluy-tuloy, madalas at mas mapinsala ang mga kalamidad na dadanasin ng tao sa kasalukuyan. Kung kaya mula sa dating pagtanggi, ngayon ay kinikilala na ng mga Nagkakaisang Bansa ang pinakamalupit na banta sa pag-iral ng tao – ang Pagbabago ng Klima o Climate Change.

Taong 1991, sa kumperensya ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC), kinilala ang malaking responsibilidad ng tao bilang pangunahing maysala sa pag-init ng klima ng daigdig. Sa ilalim nito, nabuo ang prinsipyo ng Karaniwan Subalit Hindi Pantay na Responsibilidad (Common But Differentiated Responsibility) bilang pagtugon sa epekto ng pagbabago ng klima. Sang-ayon dito, higit na may tungkulin ang mayayamang mga bansa (Global North Countries) sa paglalatag ng mga makakalikasang programa para mapigilan ang malubhang epekto nito sa mamamayan lalo sa mga mahihirap (Global South Countries) na bansa.

Isinisisi sa mayayamang bayan gaya ng Estados Unidos at mga kanluraning bansa, ang pagkasira ng kalikasan at pag-init ng mundo mula sa historikal na pandarambong nito sa likas-yaman bilang hilaw na materyales at sangkap sa kanilang pagpapaunlad-simula noong rebolusyong industriyal, 1700’s. Yumaman ang ilang bansa subalit higit na nalugmok sa pagkabangkarote ang madaming maliliit na bayan dahil sa pagsalo ng mga epekto bunsod ng pagkasira ng kalikasan.

Napormalisa sa UNFCC ang progresibong batayan ng Hustisyang Pangklima  sa pagsisikap ng mga mahihirap na mga bansa. Dito nabuo ang Apat na Haligi ng Hustisyang Pangklima: 1. Mitigasyon, ang pagbabawas ng emisyon ng CO2 ng mga bansa sa norte sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang istilo ng pamumuhay at pagbabawas ng mga proyektong-industriyal na mapanira sa kalikasan; 2. Adaptasyon, kinakailangang pondohan ng Global North ang mahihirap na nasyon para maka-angkop sa panahon ngayong nariyan na ang epekto ng Climate Change; 3. Pagsasalin ng mga Teknolohiya, pagpasa at pagbibigay ng mga makinarya na magagamit ng mga bayan sa pag-aangkop at pagkontrol sa epekto ng mga kalamidad, 4. Pinansya, o pagpopondo at pagbabayad ng Norte ng kanilang Climate Debt o utang sa mga mahihirap na bansa na nasalanta ng mga natural na trahedya na dulot ng pang-aabuso sa kalikasan ng mga negosyo ng Norte.

Nakakalungkot, dahil sinisikutan ng mayayamang mga bansa ang tungkuling ito sa pamamagitan ng paggigiit ng mga Market based Approach at Clean Development Mechanisms (CDM) o pagsasaalang-alang sa kita at negosyo bago tugunan ang usaping pang-klima; gaya ng sustainable mining, clean coal at clean nuclear, gayng lantad nang ito ang mga numero unong mapanira sa kalikasan at nag-i-emit ng sobra-sobrang karbon sa atmospera.

Bukod dito, ipinapasa ng Global North countries sa Global South na gawin ang kanilang responsibilidad sa reforestation, paglalatag ng maka-kalikasang programa, at iba pa; sa pamamagitan ng off-set at carbon trading gaya ng REDD (Reduction of Emission from Deforestation and Degradation in Developing Countries) o pagbibili ng carbon credits mula sa mahihirap na bansa para angkinin bilang kanilang proyekto sa pagtugon sa Climate Change. Habang business as usual ang mayayamang mga bansa sa pandarambong ng kalikasan at pag-i-emit ng mga karbon sa atmospera ng mundo.

Buuhan at lahatan ang gampaning dapat gawin ng sangkatauhan sa pagkontrol sa pagbabago ng klima at pagsolusyon dito. Kung iilan lamang bansa ang tumatalima sa pagsasalba ng kalikasan, habang patuloy naman sa pagsisira ang ilang mga nasyon sa ngalan ng kita at negosyo, sa esensya ay walang paghupa ang pagkitil natin sa ating mundo- ang nag-iisang tahanan nating mga tao.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s