Salamisim sa Madaling-Araw

ni Elmer Yuri Arisgado

 

Hindi umubra ang nakakapasong init ng araw ng alas-tres ng hapon para patigilin ang nagkakantyawang grupo ng  mga binatang tambay na nagpupustahan sa larong bilyar sa labas ng aking bahay.

At  kahit pambihira ang hapong ito dahil binisita ako ng kapatid kong si kuya Paul sa aking lungga, hindi namin nagawang makapag-usap ng maayos dahil sa alingawngaw ng ingay sa labas. Wala din naman akong masabi dahil sa pagkapahiya. Paano ba naman ngayon lang ako nadalaw ng kapatid ko ay wala man lang akong maalok na kung anumang makakain o inumin man lang sa kanya at sa kasama nyang pamangkin ko na si Riza. Hindi naman na ako mapapautang ng kahit isang supot ng tinapay o kahit isang ice tubig ni Aleng Mameng. Paano mas mahaba pa sa Edsa ang listahan ng utang ko sa kanya dahil may isang taon na akong hindi makahanap ng maigi-iging kabuhayan.

Simula kasi nang tumuntong ako sa edad na 30 ay wala nang gustong tumanggap sa akin sa trabaho kahit man lang sana service crew sa isang fast food chain. Ang tinitingnan palagi ay ang edad at pustura ng aplikante. Malas lang dahil parehong wala sa akin.

Nagkasya nalang kame sa panunuod sa 14 inches kong telebisyon, na tanging kasangkapang dekuryente sa aking palasyo bukod sa isang lumang orasan sa dingding at  isang lamesita sa pagitan naming magkapatid. Iyon nga lamang, parang despalenghado ang dubbing ng pinanunuod naming teledrama sa hapon dahil mas nagingibabaw ang boses ng mga tambay sa labas – nagsasampalan ang mga babaeng karakter sa eksena pero nagtatawanang kalalakihan ang naririnig naming ingay.

Dahil nga dito, mukhang sinusumpong na sa inip at init ang pamangkin kong si Riza na kasama ni kuya Paul . Wala pang anim na buwan si Riza noong huli ko siyang nakita. Iyon din ang huli naming pagkikita ni kuya. Ngayon ay pitong taon na ang bata. Parang kailan lang ang lahat. Hindi ko sila matingnan kahit  napakasaya ng loob kong makita ang kapatid ko at si Riza. Kung hindi sa telebisyon ang mata, ay dudungaw-dungaw ako sa bintana para tingnan ang masasayang mukha ng mga nagbibilyar na kabataan sa tapat. Hindi rin naman ako kinakausap ni kuya. Alam niyang may ego din ako sa katawan kaya pinapakiramdaman nya ako. Tinatantya. Hindi siya nagkusang bumili o magpabili ng anumang pwedeng pagsaluhan sa labas. Alam niyang hindi ko yun magugustuhan.

Inaasikaso na lamang nya si Riza na ngayon ay nagngangangawa na sa sahig na nakatingin kay kuya. Mabilis ang pagtulo ng kanyang luha, tuluy-tuloy ang pagdaloy sa kanyang pisngi. Nagulo na ang kanyang naka-pony tail na ayos ng buhok. Namantsahan na din ng marumi sementadong sahig ang kulay kahel nyang short at ang lila nyang spaghetti shirt.  Sa una ay hindi ko marinig ang dahilan ng kanyang pag-iyak. Tahimik kameng nakasalampak sa pagkakaupo sa sahig dahil wala din akong upuan. Nabenta na ang madami sa mga kagamitan ko sa bahay dahil sa sakit ko sa baga. Hindi ito alam ng kahit isa sa mga kapatid at kamag-anak kahit si kuya Paul.

Mula nang nagsarili ako sa buhay nang mag-asawa at kalaunan ay hiwalayan ng kinakasama, nang mag-trabaho sa Italy at doon naghanap ng ibang makakatuwang sa paglilibang, ay bihira na ako dumalaw sa mga kamag-anak. Para akong naging ermitanyo. Kahit sa looban na ito ng Tanyong ay walang nakakakilala sa akin.

Umusal ng tanong si Riza. Naging malinaw ito sa aking pandinig sa kabila ng naghaharing ingay.

“Tatay may tunay ba akong magulang? Sino sila tatay?”

“Anak ilang ulit mo na tinanong yan. Huwag mo na kasi isipin yan para hindi ka na malungkot. Kame na ang magulang mo. Hindi ko kilala ang tunay mong magulang.” Pinahid ng kamay ni kuya ang luha ni Riza. Kinabig nya ito palapit sa kanya para yakapin.

Patuloy sa pagluha si Riza pero nawala na ang palahaw at naiwan  na lamang ang paminsan-minsang paghikbi.

Napalingon ako sa bata. Kinuha ko si Riza mula kay kuya na yapos-yapos ito.

“Halika Riza.” Hawak-hawak ko ang kanyang balikat habang papalapit sa akin. “Kilala mo ba ako? Ako si tito Bert. Ako ang nag-aalaga sayo dati. Tanda mo ba?” Nanginginig ang boses  ko habang sinasambit ko ito na nakayuko kay Riza na kinandong ko at niyayakap ng mahigpit sa aking bisig.

Pinagmamasdan kong maigi ang malamlam, bilugan at malalim nyang mata. Pamilyar ang mata na iyon, manang-mana sa kanyang ina pati ang maumbok na pisngi at malapad na balikat. Pero hinding-hindi nakuha sa nanay nya ang matangos nyang ilong. Malusog din ang kanyang pangangatawan, sa isip ko para siyang si Dora – ang batang gala. Gusto kong mangiti para malibang si Riza.

Pinagmasdan akong maigi ng bata. Wala na ang mga hikbi. Tahimik na tahimik, parang nahihiya. Nangingilala, nag-uusisa, naghahagilap ng kung anumang pamilyar na ala-ala kasama siya mula sa salamin ng aking kaluluwa. Nang biglang natigilan si Riza. Nanginig ang kanyang katawan at pumalahaw muli, mas malakas kaysa kaninang pagngawa. May kung anong nahalukay na memorya sa nangungusap kong mga mata.

Bigla-bigla napabangon ako mula sa pagkakahimlay sa aking banig na nasa sahig. Napatingin ako sa orasang nakasabit sa dingding, alas-2 ng madaling araw. Wala na ang ingay ng mga tambay sa bilyaran. Niligid ng aking paningin ang kabuuan ng aking lungga. Naghahanap. Tinitiyak kung may bakas ang pagdalaw ang aking kapatid. Pero wala. Hindi totoo ang lahat. Napaupo ako at sumandal sa sementong dingding saka sinapo ang mukha. Umiiyak na inuusal ang matamis na pangalan ng karugtong kong nawala at pinabayaan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s