Isang Taon na Akong Ganito

Ni Elmer Yuri Arisgado

Isang taon na akong ganito…
Sumusulat ng tulang pang-alay sa iyo.
At sa bawat nagsusulat ako,
Napaka-aktibo ng bawat uniberso ng kabuuhan ko
Dahilan upang malinaw na mapansin
Ang pagsasayawan ng mga punong
Uumindak sa tugtuging hatid ng ihip ng hangin.
At marinig ang tilamsik ng nagpipritong kawali,
Ang lagaslas ng tubig sa gripong hinuhugasan ang mga impisin,
Musika ang halakhak ng mga batang naghahabulan,
Ang mga suki at tinderang nagtatawaran,
Ang paroot parito ng mga sasakyan,
At pagtahol ng mga aso sa bawat nagdaraan.
Sa bawat tutula ako para sa’yo,
lagi na lamang mapagbigay ang panahon.
Tunay nga yatang wagas na pag-ibig
Din ang solusyon sa banta ng nagbabagong panahon?.
At isang taon na akong ganito…
Walang umaabala sa pagdaloy ng aking dugo
Upang paganahin ang isip sa pagdalumat
Ng mga liriko ng pasasalamat at pagtanggap sa pagmamahal mo;
Lagi na ring hindi mapigil ang labi
Sa inboluntaryong pagngiti
Sa tuwing inaalala ko ang mga sandaling magkahawak-kamay
Nating binabaybay ang aplaya
habang pinapanuod ang pagpapaubaya ng araw sa mayuming buwan
Sa mapulang kalangitan.
Walang kasawaan kong gustong sambitin
Ang aking pagtangi sa iyo
At sa walang kapaguran kong pagkapit sa mga pangarap
Na magkasama nating papandayin upang kamtin.

At isang taon na akong ganito…
Nililimi ang mga lugar na nauna na nating tinahak
At iniisip ang mga sunod nating pupuntahan
dahil alam kong doon ay bubunuin natin ang mga panahon
ng masasayang gunita na sa habang panahon ay muli nating babalikan:
Ang ilang beses nating pagkaligaw,
Ang di mabilang nating pudpod na tsinelas mula sa buong araw nating lakaran,
Ang salimbayang konsyerto ng kumakalam nating sikmura
Noong tayo ay walang-wala,
At ang mga espesyal na pagkakataong busug na busog ang ating tiyan,
Ang ilang tagpong nagsikap tayong mag-ipon para makapanuod ng sine,
Ang paliligo natin na tila ba tayong dalawa ang nagmamay-ari
Sa mga talon, ilog, dagat, pool, at hot spring;
At ang mga kapusukang tukso sa atin ng ating kabataan.
Lahat ng ito ikukwento kong muli sayo
upang ipaalala ang masaya nating karanasan
na dapat laging pakaingatan
dahil sa mga sandaling ito ay labis nating pinahalagahan ang pag-ibig
na umusbong, yumabong sa kabila ng hindi iilang pesteng dumating
subalit napagtagumapayan ‘pagkat inalagaan nating dalawa.

At isang taon na akong ganito…
Puno ng pag-asang harapin ang bukas,
Handang bakahin ang unos,
Handang mapaso sa init ng mga pagsubok,
Handang madurog ang laman,
Handang mabasa sa ulan,
Handang masaktan kung kailangan,
Handang danasin ang lahat,
Makalikha lamang ang aking kamay ng isang tahanan –
Na may bubungang gawa sa pagmamahal:
Matibay na pananggalang sa maraming taon at nagbabagong panahon,
Dingding at haligi na yari sa pagtitiwala
Upang kayang tindigan ang sinumang magbantang sumira,
Pinto at bintanang nakabukas
Salamin ng ating tuwa at galak.
At doon, sa aking bawat pag-uwi
Masaya mong sasalubungin
At aabangan ang aking araw-araw na pagbabalik
Araw-araw hanggang sa ating pagtanda.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s