Busyador

Ni Elmer Yuri Arisgado

 

Nakatingin sa ulap sa gitna ng pag-aagaw ng dilim at liwanag
abala ang isip sa pagbalik sa mga ala-alang
sa  nabubuo ng isit sa pagtanaw sa alapaap                                                                                 Larawan ng masasayang gunita ng mga mahal.

Doo’y nakaupo s’ya sa kanyang pugad.
Sinasamyo ang malamig na hangin sa Silangan,
tila musika at halakhak ng masasayang sandali
ang daluyong ng mga alon sa Pasipiko.

Subalit hindi sya naglalakbay.                                                                                                          isip at puso lamang nya ang may paggalaw                                                             ngunit katawan ay tila tuod na maghapong nakabantay
sa mga pugad ng mga mapaglarong ibong Balinsasayaw.

Nakamasid sa paligid sa tuwi-tuwina ang mga mata,
subalit hindi sa paghihintay ng pagbabalik
ng kanyang anak o asawa.
Handang magtanggol laban sa mga magtatangkang
magnakaw ng pugad na yaman kung ituring niya.

Napapanis ng walang saysay ang kanyang mga laway,
nasanay nang maging manipis ang tono ng boses sa pag-iisa,
na syang kabaligtaran ng laway ng ibong binabantayan.
nadudurog at humihina ang pundasyon ng mga bundok,
subalit matibay sa araw-araw ang dalawa nyang paa at braso.

at ang mga pugad na kanyang maani,
katumbas na’y salapi, inumit sa ibong may-ari.
mga pugad ng balinsasayaw na pagkamahal-mahal,
sa kawalang palad ay hindi nya man lang matitikman ang sabaw.

Namumugad siyang walang inakay.
Siya na tanging nasa pugad ngunit walang naghahatid ng pagmamahal.                               Ilang taon na ring hindi kapiling ang pamilya,                                                                          Parang Alcatras ang islang binabantayan upang kumita.

Sumisikat at lumulubog ang gintong silahis ng araw,
hinahawa at niyayakap ng kanyang sinag ang mga alon sa dagat.
subalit sa lahat, siya lamang ang nag-iisa’t walang karamay
sa gitna ng malawak na pusod ng dagat.

Advertisements

Drayber at Mangingisda

ni Elmer Yuri Arisgado

Tulad ng Mangingisda ang isang drayber
Kapwa sila nagtitimon
Sa bawat pasadang pamamandaw sa malawak na karagatan.
Pasahero nila sa gabi’y sumibad na pusit o talakitok.
Pagkikitang naman ng buraw ang byahe sa pinakaabalang sandali.
Isda man o pasahero’y binubugaw palapit ng mga konduktor na busero.
Asin ang bawat pawis nilang pumatak:
Kayod marinong trabaho at sa kapwa ay namumuhay ng patas.
Pakikipagkaibigan sa kalikasan ang kaliwa’t kanan
Nilang pagmamasid
Sa paghalihaw sa lupa at tubig ng kanilang maya’t mayang
Pagmenor at pagkabig.
Ang mga tanod sa kalsada’y kadalasang nakaabang na pating at pirata,
Naghihintay silang tila maninila.
At kung ang mangingisda’t drayber ay walang sariling bangka,
Araw-araw silang tinutuklaw ng walo-walo,
At nilalatayan sa likod ng hataw ng buntot-page.

Paano?

ni  Leni del Rosario
Lumilipad ang diwa
naglalakbay hinahalughog
ang kalawakan ng gabi
pilit hinahanap ang kalayaan
sa pagitan ng mga kislap
ng bumbilyang yumuyurak sa pagkatao.
lumilipad ang diwa
kasabay ng panghahalay
ng mga hayok
sa katawang walang iniwan
kahit kaluluwa na tinumbasan
ng ilang pirasong barya.
lumilipad ang diwa,
paano nga ba makakawala?
sa kinasadlakang siphayo
sa pagkakapiit.
sa pangungutya ng lipunan
paano nga ba?

Drayber at Mangingisda

ni Elmer Yuri Arisgado

 

Tulad ng Mangingisda ang isang drayber.

Sa bawat pamamasada’y kapwa sila namamandaw

sa malawak na karagatan ng pakikipagsapalaran.

Pasahero nila sa gabi’y sumibad na pusit,

pagkikitang naman ng buraw ang pagmamaneho

sa pinaka-abalang sandali…

Ang diskarte sa kalsada’y tila paghalihaw sa tubig,

ng pakikipagkaibigan sa alon at pagpapaamo sa bagsik ng hangin.

At kung ang mangingisda at drayber ay walang sariling

sasakyan o bangka,

Araw-araw silang tinutuklaw ng walo-walo,

at hinahataw sa likod ng buntot-page.

 

Tala

ni Leni del Rosario

 

Nakatunghay ang mga tala –

sa atip ng mga barung-barong

sa makikipot na estero ng syudad;

sa mga pagawaang

nabububungan ng kaapihan

at pagsasamantala.

sa mga nakagiray na dampa

at kubo sa gitna ng bukid

at baybayin.

sa mga bahay-aliwang

nagsisilbing hawla

ng mga kaluluwang

nilapastangan ng dangal;

sa nakayapak na mga paslit

na umaamot ng awa

habang tulak-tulak

ang tahanang kariton.

Nakatunghay ang tala:

simbolo ng kapaskuhan

ng pag-asa ng liwanag ng pagsilang

ng bagong hamon

ng ibayong pagsisikap

ng pakikibaka…