Sa Kamatayan ng Siyudad

ni Elmer Yuri Arisgado

Kagabi, sa pagbalik sa s’yudad –
Sinalubong ako ng mga larawan ng pagluluksa.
Ang kiwal-kiwal at aandap-andap na posteng-ilaw
Ay mga nakatirik na kandila ng ibinuburol na pag-asa –
Tanglaw sa nakapanlulumong mga imahe ng kamatayan:
Naghihingalo ang mga pulubing naka-ablag
Sa malamig at nanlilimahid na sahig
sa labas ng isang magarang pasyalan,
Inaatake sa puso ang bawat mamimili ng pagkain sa merkado,
Nag-aagaw-buhay ang kinabukasan ng mga musmos
Sa malaon nang pagtalikod sa karapatan nilang makapag-aral
At magkaroon ng laya sa pagtuklas ng makabayang kakanyahan,
Habang isang buntung- hininga ang huling signus ng buhay
ng katawang pagal ng mga manggagawa
Sa buong araw na pakikihamok sa nilimot nang pangako
Ng kasaganahan at pag- asenso.
Pinaglalamayan ang kabuuan ng aspetong panlipunan.
Ang nagtatayugang mga gusali ay mga bulaklak ng patay.
Isang kahibangang iniyayabang pa ang kanyang matikas na tindig
Sa nakaburol nyang manlilikha.
Sa paanan nito’y nakahimlay ang libung bangkay,
Biktima ng malawakang masaker ng berdugong sistema.
Karimarimarim ang lugar na ito!
Walang tigil ang pagpaslang –
Sa gayo’y walang pagkamatay ang kita ng mga mangangapital
Na ang negosyo’y mga punerarya.
Hindi mapakali sa isang lugar ang mga taong nakayapak,
Nakatalukbong ng telang itim mula ulo hanggang paa.
Hinahatid ang tanang labi ng mga dikit-dikit at ‘di mabilang
na karo ng patay sa daang-Edsa
patungo sa libingang paroo’t parito
ang nagliliparang mga buwitre at uwak.
Sa himlayang yaon ay walang pagkahimbing.
Bawat nitso’y may banta ng demolisyon
at iba pang porma ng pagmamalabis
kung hindi ma’y hinuhukay ang katawan upang ipagbili
sa mga mag-aaral ng medisina,
Nang matunton ang gamot sa malubhang sakit
Ng nagnanaknak na ketong ng nasyon.
Ang iba’y hindi na nakatiis sa pagbabakasakali sa sugal
Ng pahihintay sa messiah upang buhayin silang muli.
Sila ay mga patay na naglakad, bumangon,
Sumuong, lumaban –
sa nasang angkinin ang hustisya ng kanilang matagal nang pagpanaw…
Silang hindi na pahahalina sa mapanlinlang
Na liwanag ng anila’y sa ngalan ng pag-unlad.
Sa wakas… para sa tunay na hustisya,
Mula sa kamatayan,
Bumangon sila’t maniningil!

Hikaing Sambayan

ni Elmer Yuri Arisgado

Hinihika ang sambayanang Pilipino.

Habol hininga sa maghapong kayod-kabayong trabaho

Nang may pangsaing na bigas

sa hapunang pinalasa ng ulam na de-bomba (toyo)

O di kaya`y de-sabog (asin).

Nang makatipid

Dahil kailangang magkunyapit

nang madugtungan ang hininga ni Junior

Sa pagiging depende

sa oxygen tank commercialized system of education.

Baka sakaling ito na ang salbutamol

sa napupugto…

At pilit inaabot na buntong-hininga ng pag-ahon.

Dahil tiyak namang palyado ang paggana

ng nebulizer na programa ng mga lider sa pulitika

O di kaya`y ang ventolin na mga reporma,

Subukan nalang humagilap

ng sariwang hangin sa labas (Ibang bansa)

Try mo lang,

Kung hindi man lumubha ang hika ng bayan

Dahil iba ang nakikinabang sa iyong kasanayan,

Ay baka sumabog ang malusog na baga ng pagsasamahan

ng pamilyang iiwanan.

Dagdag pang kumplikasyon ang pag-malfunction

Ng mismong puso ng sariling kulturang pagkakakilanlan.

Huwag na nga lamang daw mawawalan ng pananalig,

Na malalasap din ang sariwang hangin ng daigdig

At ang lupaypay na organo sa paghinga

Ay kusang lalakas sa reseta nitong gamot

isang depektibong gamot sa generic pharmacy:

Ang pupugak-pugak na kinse pisong

Umento sa sahod

Sa minimum wage…

sa mapulusyong kamaynilaan.

Lihim ang ating Pagtatagpo

ni Elmer Yuri Arisgado

 

Sa kalaliman nang gabi,

Habang mahimbing sa pagkakatulog ang lahat;

Sinasalisihan natin –

Ang oras, distansya, at mga reserbasyon sa damdamin –

Upang tulad nang dati ay magtagpo tayong dalawa.

 

Doon sa lilim ng mayabong na punong Narra,

Magkatabi nating pinapanuod

ang pagtatapos ng konsyerto ng araw

upang magpaubaya sa pagpapakitang-gilas ng buwan.

 

Matama nating pagmamasdan ang kanilang mga sining.

Ipagkukumpara man natin ang kanilang kahusayan,

Subalit magkasundo nating pahahalagahan

Ang pagkakaiba-iba.

 

Sa huli: babaling tayo sa tunay na sadya ng ating pagtatagpo –

Tulad nang dati magbibiruan tayo, magkukwentuhan ng mga karanasan

At magdadaingan ng mga suliranin sa buhay.

Dinadamayan tayo ng ihip ng hangin

at mapapayugyog ang puno sa lihim nyang pagbungisngis.

 

Anumang pagkikita ay magtatapos sa pamamaalam.

May ngiting banaag sa paghihiwalay ng landas,

At babalik sa nakahimlay nating mga tahanan.

Bukas ng gabi sa kahimbingan ng lahat,

Aasa tayong muling magtagpo ang ating mga kaluluwa.

—-

Nalathala sa Liwayway Magazine, Oktubre 10, 2016liwayway-magazine