Supot pa si Onse

ni Elmer Yuri Arisgado

Nang sinuntok nya ako at pumutok ang nguso, hindi ko yun ininda, hindi ko yun naramdaman. Mas masakit ang panunuksong inaabot ko kay Tony sa tuwing nasasalubong sya sa labasan.

Kababata ko si Tony, kame nila Kuykoy, J.B, Onel at Rr sa lugar namin sa Maligaya. Magkakasama kameng naglalaro ng agawan base, baseball, football at black 123 sa  bukid. Madami kameng kalokohan kapag magkakasama.

“Hoy Onse supot! Patuli ka na kung hindi mutain ang magiging anak mo.” Yan ang laging salubong saken ni Tony nitong ilang mga buwan kapag nagkikita kame.Palibhasa mga tuli na sila at ako nalang ang natitirang may lambi na nakabalot sa ulo ng aking titi. Noong nakaraang bakasyon nang silang lahat ay nagpatuli sa barberya ni Tata Deking. Tuwing bakasyon ay hindi nalang  buhok ang ginugupitan dito kundi pati narin titi ng mga nagbibinata tulad ng mga kababata ko.

Malas lang dahil hindi ako nakasabay sa kanila noon sa pagpunta sa barberya ni tata Deking. Katwiran ko sa edad  kasing 11 ay hindi pa ako tagpos kaya hindi pa dapat tuliin. Ngayon ay nasa kalagitnaan ng taon sa eskwela, hindi magtutuli si Tata Deking. Ang kahulugan noon ay ilang buwan ko pang titiisin ang kantyaw ng aking tropa.

“Supot na Onse! Mutain ang magiging anak mo nyan. Patuli ka na!” kantyaw muli ni Tony habang naglalaro kame ng basketball nila Kuykoy, J.B, Onel at Rr. Napahiya ako. Nawala ang konsentrasyon sa paglalaro. Hindi gumana ang aking mga peydawey, hook shot at jump shot. Lalong nawalan ng bisa ang aking mga lay-up dahil kahit mga tropa kong sila Kuykoy ay sumasama na rin sa pagtawang pinasimulan ni Tony.

Minsan sa tindahan nila aling Iska habang bumibili ako ng softdrink, kinantyawan nya ako ng ganito sa harap ng maraming tao. Para akong nanliit sa gitna ng halakhakan at hiyawan ng mga tambay na mga binata sa amin. Nakakagalit lalo tingnan ang naglalawa sa laway na bunganga ni Uman habang pinagtatawanan ako. Sa inis ko ay kumaripas na lamang ng takbo pauwi sa amin.

Ilang araw akong nagmukmok sa bahay. Pinagtyagaang sabayan ang trip panuorin na palabas sa t.v ng nakababata akong kapatid-  ang Heidi(anak ng kabundukan) at Sarah( ang munting prinsesa) sa gabi ay ang drama na Ezperansa at Mula sa Puso.Kating-kati na ang paa ko na tumakbo sa  bukid at manghuli ng mga nagliliparang subsob-tae(maliliit na salagubang) sa paglubog ng araw. Hindi ko muna yun magagawa dahil kapag nakita ako ni Tony ay tiyak kakantayawan muli nya ako ng mga katagang nagpapapanting sa aking pandinig.

Akala ko magiging mapayapa na ako pagdating sa eskwela. Ilang lingo na ring bahay-eskwela nalang ang mundo ko dahil sa pag-iwas sa mga kantyaw ni Tony. Pero nakalimutan yatang sa paaralang pinapasukan ko, ay doon din pumapasok si Tony at ang tropa kong sila J.b, Kuykoy, at Onel. Lamang lang sila ng isang taon saken, grade 5 ako at grade 6 silang apat.

Tinakpan ko ang aking mukha at nakayukong sasalubong sa dagsa ng papauwi nang mga grade 6 na sina Tony. Papasok palang kame na mga grade 5. “Hoy Onse supot! Akala mo hindi kita makikita ha. Patuli ka na kung hindi mutain ang magiging anak mo”, bulyaw muli ni Tony sa akin.

Halos gusto ko nang mamatay nung oras na iyon. Gusto kong biglang maglaho, mag-teleport gaya nang ginagawang technique ni Son Gokou. Gusto kong maglaho sa sobrang kahihiyang supot pa ako. Hindi pa ako tuli at baka maging mutain ang magiging anak ko balang-araw.

Pero teka bakit ko ba ito dinadamdam? Ano ba kung hindi pa ako tuli? At ano ba ang kinalaman ng pagiging supot sa pagiging mutain ng magiging anak ko? Sabi ni Kuykoy nung nagkukwentuhan kame isang gabi, habang naka-upo sa mga manhole na nagpapabigat sa poste ng ring ng court, na kailangan daw matuli ng isang nagbibinata para maging malinis ang katawan. Marumi daw kasi yung mga puti na tinatawag na kupal na nasa ilalim ng mga lambi. Kaya para mawala yun ay dapat matuli para maging malinis.

Sabi naman ng cathecism teacher naming  si Sis. Susan, nagsimula daw yung tradisyon ng pagtutuli na tinatawag na “Rite of Passage” sa mga hudyo noong panahon ni Abraham nang tinuli nya si Isaac. Hudyat ang ritwal na ito na maaari nang hanapan nang mapapangasawa ang binatang edad 12. Tulad ng sa ngayon, ang dahilan nya ay para maging malinis si Isaac.

Kung ganun dahil supot pa ako ay marumi na ako? Paanong yun ang naging pamantayan? Araw-araw akong naliligo bago pumasok sa eskwela at nagsisipilyo ng ngipin, hindi tulad ni Tony na inirereklamo ni Titser Ongchangco ng pagiging dugyutin. Pumapasok  nga ito  na may panis na laway pa ang bibig at gulu-gulo ang buhok na hitik sa lisa.

Napanatag ang loob ko. Dumerecho ng paglalakad papuntang klase. Hindi ko na pinansin ang walang patid na tawanan ng mga kamag-aral pang-aasar sa akin ni Tony. Nagtatawa ang ilan sa kanila kahit tulad ko din namang supot pa. Natatawa sila dahil hindi sila yung inasar pero kung sila yun ay baka sobra pa sa reaksyon ko ang gagawin nila.

Habang nagtuturo si Ms. Pillo ng aralin sa HEKASI(Heograpiya, Kasaysayan at Sibil) kaugnay sa katangian ng Bansang Pilipinas (Likas-Yaman at Yamang-Tao) ay naglalaro sa isip ko ito…

At sino ang supot sa amin? Sila na natatawa dahil mayroong isang bata na supot pa. E sino ba ang sinilang sa mundo na tuli? Sila yata itong supot ang isip. Kapag hindi sumabog ang paputok, tinatawag na supot. Kapag  hindi lumipad ang space rocket ni Dexter sa kanyang laboratory sasabihing supot din. Lahat ng palpak ay supot!

Kung ang kahulugan ng supot ay palpak, e kung ganun ay supot din si Pangulong Ramos at Erap na sinundan ni Gloria at ngayon ay si P.NOY. Dahil lahat sila ay kasuputan ang naging programa at polisiya. Hindi pa rin natatagpos ang pagiging supot sa kahirapan ng mahigit kalahati ng mga Pilipino. Supot ang mga senador at kongresista dahil puro budyet na lang nila ang pinagdidebatehan sa halos buong taon imbes gumawa ng batas. Supot ang Korte Suprema dahil usad pagong pa rin ang pagresolba sa mga kaso tulad ng nangyari sa kapitbahay kong si Mang Ed na pinatay ng isang pulis dahil napagbintangang drug-pusher.

At supot ang ekonomiya ng bansa dahil hindi pa rin ito makaigpaw sa utang panlabas at pag-asa sa pag-iimport ng mga produkto base sa napag-aralan namin sa HEKASI kanina. Higit sa lahat ay supot ang kamalayan ng mga Pilipino. Dahil nananatiling kolonyal, materialistiko, at tatak alipin ang madami sa mga ito. Parang si kuya Cesar na kapitbahay namin na naniniwalang  wala nang pag-asa ang Pilipinas. Mabuti pa daw sana kung hilingin sa U.S na gawin nila tayong probinsya. Nasa Maligaya lang sya buong buhay nya at naghihintay ng kung anong swerteng dadating. Katwiran nya ay wala namang pinag-iba ang pananatili sa paglayo. Huwag nalang daw kumilos. Huwag nang gumalaw.

Pagka-alas-6 ng gabi, tumunog na ang buzzer. Oras na ng uwian. Tumakbo ako ng pagkabilis-bilis pauwi ng bahay. Hindi dahil may hapdi at humihilab ang aking tiyan kung hindi gusto kong makaharap si Tony, ang tuli kong kaaway.

“Hoy Tony tama na ang pamamahiya mo sa akin. Supot nga ako pero ilang buwan na lang ay matutuli na rin. Ikaw tuli ka nga pero parang supot ka pa rin!” sigaw ko sa kanya nang maabutan ko syang naglalaro ng luksong baka sa bukid kasama ang katropa nyang sina Harlo at Mamong.

Sinuntok nya ako bigla sa nguso. Agad itong sumabog at nagdugo. Siniko ko naman sya sa likod at sinuntok sa sikmura. Napaluhod si Tony sa sakit ng masikmuraan. Tumalikod ako para umuwi ng bahay. Kampanteng matatapos na ang pangangantyaw dahil mayroon akong napatunayan ngayong gabi. Supot nga ako pero mayroong lakas. Mayroong lakas ng loob na makakayang harapin ang labahang puputol sa sobra kong lambi.

Sinuntok ako ni Tony. Sabog at nagdudugo ang nguso sa lakas ng kanyang suntok. Pero hindi ko yun ininda. Hindi ko yun naramdaman. Mas tumimo sa akin ang mga salita nyang ako ang pinatatamaan. Supot nga ako, e ano naman? Bukas makalawa haharapin ko si Tata Deking at puputulin itong sobrang balat sa gitna ng aking katawan.

Kung gusto mo Tony, titingnan ko pa habang ito ay nilalabaha ni tata Deking.

At mula sa leksyong natutunan ko kay Ma’am Pillo ngayong araw tungkol sa katangian ng Pilipinas, susubaybayan ko rin ang kasuputan ng lipunan. Pag-aaralan ko kung saan at kung papaano ako maka-ambag para mapatagpos ito mula sa kanyang kasuputan.

At pusta ko wala akong aray na ibubulong sa hangin. Mas masakit ang salitang binitawan kaysa sa suntok na bumasag at nagpadugo sa aking nguso- na nagpatuli sa akin. ###

Salamisim sa Madaling-Araw

ni Elmer Yuri Arisgado

 

Hindi umubra ang nakakapasong init ng araw ng alas-tres ng hapon para patigilin ang nagkakantyawang grupo ng  mga binatang tambay na nagpupustahan sa larong bilyar sa labas ng aking bahay.

At  kahit pambihira ang hapong ito dahil binisita ako ng kapatid kong si kuya Paul sa aking lungga, hindi namin nagawang makapag-usap ng maayos dahil sa alingawngaw ng ingay sa labas. Wala din naman akong masabi dahil sa pagkapahiya. Paano ba naman ngayon lang ako nadalaw ng kapatid ko ay wala man lang akong maalok na kung anumang makakain o inumin man lang sa kanya at sa kasama nyang pamangkin ko na si Riza. Hindi naman na ako mapapautang ng kahit isang supot ng tinapay o kahit isang ice tubig ni Aleng Mameng. Paano mas mahaba pa sa Edsa ang listahan ng utang ko sa kanya dahil may isang taon na akong hindi makahanap ng maigi-iging kabuhayan.

Simula kasi nang tumuntong ako sa edad na 30 ay wala nang gustong tumanggap sa akin sa trabaho kahit man lang sana service crew sa isang fast food chain. Ang tinitingnan palagi ay ang edad at pustura ng aplikante. Malas lang dahil parehong wala sa akin.

Nagkasya nalang kame sa panunuod sa 14 inches kong telebisyon, na tanging kasangkapang dekuryente sa aking palasyo bukod sa isang lumang orasan sa dingding at  isang lamesita sa pagitan naming magkapatid. Iyon nga lamang, parang despalenghado ang dubbing ng pinanunuod naming teledrama sa hapon dahil mas nagingibabaw ang boses ng mga tambay sa labas – nagsasampalan ang mga babaeng karakter sa eksena pero nagtatawanang kalalakihan ang naririnig naming ingay.

Dahil nga dito, mukhang sinusumpong na sa inip at init ang pamangkin kong si Riza na kasama ni kuya Paul . Wala pang anim na buwan si Riza noong huli ko siyang nakita. Iyon din ang huli naming pagkikita ni kuya. Ngayon ay pitong taon na ang bata. Parang kailan lang ang lahat. Hindi ko sila matingnan kahit  napakasaya ng loob kong makita ang kapatid ko at si Riza. Kung hindi sa telebisyon ang mata, ay dudungaw-dungaw ako sa bintana para tingnan ang masasayang mukha ng mga nagbibilyar na kabataan sa tapat. Hindi rin naman ako kinakausap ni kuya. Alam niyang may ego din ako sa katawan kaya pinapakiramdaman nya ako. Tinatantya. Hindi siya nagkusang bumili o magpabili ng anumang pwedeng pagsaluhan sa labas. Alam niyang hindi ko yun magugustuhan.

Inaasikaso na lamang nya si Riza na ngayon ay nagngangangawa na sa sahig na nakatingin kay kuya. Mabilis ang pagtulo ng kanyang luha, tuluy-tuloy ang pagdaloy sa kanyang pisngi. Nagulo na ang kanyang naka-pony tail na ayos ng buhok. Namantsahan na din ng marumi sementadong sahig ang kulay kahel nyang short at ang lila nyang spaghetti shirt.  Sa una ay hindi ko marinig ang dahilan ng kanyang pag-iyak. Tahimik kameng nakasalampak sa pagkakaupo sa sahig dahil wala din akong upuan. Nabenta na ang madami sa mga kagamitan ko sa bahay dahil sa sakit ko sa baga. Hindi ito alam ng kahit isa sa mga kapatid at kamag-anak kahit si kuya Paul.

Mula nang nagsarili ako sa buhay nang mag-asawa at kalaunan ay hiwalayan ng kinakasama, nang mag-trabaho sa Italy at doon naghanap ng ibang makakatuwang sa paglilibang, ay bihira na ako dumalaw sa mga kamag-anak. Para akong naging ermitanyo. Kahit sa looban na ito ng Tanyong ay walang nakakakilala sa akin.

Umusal ng tanong si Riza. Naging malinaw ito sa aking pandinig sa kabila ng naghaharing ingay.

“Tatay may tunay ba akong magulang? Sino sila tatay?”

“Anak ilang ulit mo na tinanong yan. Huwag mo na kasi isipin yan para hindi ka na malungkot. Kame na ang magulang mo. Hindi ko kilala ang tunay mong magulang.” Pinahid ng kamay ni kuya ang luha ni Riza. Kinabig nya ito palapit sa kanya para yakapin.

Patuloy sa pagluha si Riza pero nawala na ang palahaw at naiwan  na lamang ang paminsan-minsang paghikbi.

Napalingon ako sa bata. Kinuha ko si Riza mula kay kuya na yapos-yapos ito.

“Halika Riza.” Hawak-hawak ko ang kanyang balikat habang papalapit sa akin. “Kilala mo ba ako? Ako si tito Bert. Ako ang nag-aalaga sayo dati. Tanda mo ba?” Nanginginig ang boses  ko habang sinasambit ko ito na nakayuko kay Riza na kinandong ko at niyayakap ng mahigpit sa aking bisig.

Pinagmamasdan kong maigi ang malamlam, bilugan at malalim nyang mata. Pamilyar ang mata na iyon, manang-mana sa kanyang ina pati ang maumbok na pisngi at malapad na balikat. Pero hinding-hindi nakuha sa nanay nya ang matangos nyang ilong. Malusog din ang kanyang pangangatawan, sa isip ko para siyang si Dora – ang batang gala. Gusto kong mangiti para malibang si Riza.

Pinagmasdan akong maigi ng bata. Wala na ang mga hikbi. Tahimik na tahimik, parang nahihiya. Nangingilala, nag-uusisa, naghahagilap ng kung anumang pamilyar na ala-ala kasama siya mula sa salamin ng aking kaluluwa. Nang biglang natigilan si Riza. Nanginig ang kanyang katawan at pumalahaw muli, mas malakas kaysa kaninang pagngawa. May kung anong nahalukay na memorya sa nangungusap kong mga mata.

Bigla-bigla napabangon ako mula sa pagkakahimlay sa aking banig na nasa sahig. Napatingin ako sa orasang nakasabit sa dingding, alas-2 ng madaling araw. Wala na ang ingay ng mga tambay sa bilyaran. Niligid ng aking paningin ang kabuuan ng aking lungga. Naghahanap. Tinitiyak kung may bakas ang pagdalaw ang aking kapatid. Pero wala. Hindi totoo ang lahat. Napaupo ako at sumandal sa sementong dingding saka sinapo ang mukha. Umiiyak na inuusal ang matamis na pangalan ng karugtong kong nawala at pinabayaan.